by: Pauline Martelino


Lahat naman siguro ng Pilipino o karamihan ay nakapunta na sa mall at may sari-sariling karanasan dito. Ang mall, aminin man natin o hindi ay bahagi na ng ating kultura bilang Pilipino. Bago man ito sa ating bansa ngunit napakalaki na ng impluwensya nito sa ating buhay. Maaring maging pangangailangan na din natin ito. Sa aking palagay, ang kulturang ito ay hango sa impluwensya ng mga dayuhan na may malaPilipinong katangian. Masasabi ko ito dahil alam naman natin lahat na ang pinagmulan ng ganitong istraktura ng mall ay nagmula pa sa kanluraning kultura. Pati na rin ang pagkakaayos nito na hango naman sa impluwensya ng mga kastila na minsa’y nanakop ng ating bansa. Ang istrakturang moderno nito na kung saan kumpleto sa mga makabagong teknolohiya , kakaibang pagkakakagawa ng arkitektura at ang pagtitinda ng karamihan dito ng mga produkto mula sa mga dayuhan na bansa na madalas na tawag natin ay “imported”. Ang pagkakaorganisa o pagkakaayos naman ng mga laman ng mall ay nakuha natin sa mga Kastila. Noong panahon ng pananakop nila, bumuo sila ng isang sentro sa bawat lugar na kung saan nandoon na lahat plasa, simbahan, palengke, ospital, sementeryo at paaralan. Ganun din sa mall, lahat ng hahanapin ng mga tao ay maibibigay nito.

Malaking ginhawa ang mall sa ating buhay. Madaming magagandang maidudulot ang mall hindi lamang sa lahat ng hanapin mo ay nandito na kundi dahil din sa seguridad na ibinibigay nito sa mga tao, magandang lugar para sa pamilya dahil ito’y praktikal at magandang pasyalan at ang komportable na kapaligiran dito. Dahil dito’y nagiging patok ito sa mga Pilipino mapamayaman man o mahirap, mapamatanda man o bata, mapasosyal man o jologs.

Nais kong magkwento ng ilan sa mga karanasan ko sa mall na maaring kakaiba o normal lamang sa iba. Madalas akong pumunta sa mall, minsa’y kasama ang pamilya upang mamasyal o mamili, minsa’y ako lamang mag-isa upang mamili, kumain o magpalamig lamang, at madalas ay kasama ko ang aking mga kaibigan upang maglibang, mamili ng kung ano ano, manuod ng sine, kumain at marami pang iba. Ang unang mall na napuntahan ko ay ang mall sa Roxas City, Gaisano Mall. Bagong bago pa ito nang amin itong puntahan. Hindi pa masyadong puno ang lugar. Madami pang mga tindahan ang sarado at ginagawa pa lamang. Simpleng supermarket, drugstore, department store at mga kainan tulad ng Jollibee at Greenwich pa lamang ang laman nito. Nanibago ako sa una dahil hindi ito katulad ng mga tindahan o palengke na mayroon sa aming probinsya. Malamig sa loob at napakalaki ng lugar. Natakot pa nga akong bumitaw sa kamay ng aking lola dahil pakiramdam ko’y kapag bumitaw ako’y mawawala ako sa lugar na ito. Medyo madami na din naming mga tao ang nasa mall at nagmamasid masid din tulad naming. Ang unang una naming ginawa dito ay mamili ng damit ko pati mga laruan. Pagpasok naming sa department store nagulat ako sa dami ng laman nito. Nahirapan ako sa pagpili at pagsukat ng mga damit dahil sa dami ng pagpipilian. Pati rin sa mga laruan, napakarami kong nagustuhan dito. Pagkatapos nito’y kumain na kami ng tanghalian. Dati rati’y napakalayo pa ng aming lalakarin upang makapunta sa malapit na kainan pero sa mall malapit na, madami pang pagpipilian. Sa paguwi naman ay madali lang din dahil sa tabi ng mall ay may malapit na terminal ng mga sasakyan kaya’t napakaginhawa para sa amin ito. Sa ngayo’y hindi na ako nakakapunta sa nasabing mall dahil paminsan minsan na lamang kami umuwi sa probinsya.

Ang karanasan ko naman sa mga mall dito sa Maynila ay iba sa karanasan ko sa mga mall sa probinsya. Dahil sa nasanay na ko magpunta sa mall doon, hindi na ko masyadong nagulat at nanibago sa mga mall dito. Ang mga mall na madalas kong puntahan dito sa Maynila ay ang Southmall sa Las Pinas, Alabang Town Center at Festival Mall sa Alabang, Glorietta, Greenbelt, Shangrila Plaza sa Ortigas, Sm Mall of Asia, Sm Manila, Robinsons Galleria, Robinsons Place Manila, Trinoma, Sm Taytay sa Rizal, Ever Gotesco sa Pasig, Megamall, Gateway at marami pang iba. Iba iba lamang ang pangalan at istraktura ng mga ito pero pare-pareho naman ang laman nito.

Ang paborito kong mall ay ang Sm malls dahil sa pagiging madali hanapin ang mga pangangailangan dito. Madalas ay pabilog ang pagkakaayos ayos ng mall na ito kung saan may “fountain” o “stage” sa gitna at sa paligid nito’y mga iba’t ibang tindahan. Magkakasama ang mga uri ng paninda sa lebel ng mall na ito. Madalas sa pinakababang lebel ay ang supermarket o ang foodcourt at ang mga salon, skating rink o palaruan. Sa pangalawang lebel naman madalas dito ang mga tindahan ng damit, sapatos, gamit sa skwela, iba pang kainan at and department store. Samantalang sa pangatlong lebel ang laman nito ay ang pangteknolohiyang mga tindahan tulad ng gamit sa telepono at kompyuter at iba pang mga tindahan. Sa pinakataas naman na lebel nakalagay ang sinehan at minsan ang mga palaruan. Sa aking obserbasyon ganito madalas ang pagkakaayos ng mga tindahan sa mall, lalo na sa sm malls. Ang paboritong pasyalang mall ay ang Ayala Malls dahil sa mgandang arkitektura nito. Malaki at komportable ang lugar na ito dahil medyo mahal at imitado ang mga paninda dito kaya’t walang masyadong tao. Madalas ay may mga tindahan sa labas nito na sakop din ng mall. Malaparke ang bahagi ng mall nito na kung saan ay madaming tanim na halaman, may mga upuan na tulad sa mga parke at may palaruan para sa mga bata. Marami ding libangan sa mall na ito kaya’t magandang pasyalan para sa pamilya at mga magbabarkada. Hindi lang naman puro magaganda ang naidudulot ng mall dahil madami ding negatibong mga naidudulot dito. Tulad ng mga bomb threats pati mga nakawan dahil din sa malaking porsyento ng populasyon ng Pilipinas ang tumatangkilik nito.

Kapag nasa mall ako, madami akong nagagawa at madalas ay nakakalimutan ang mga problema o aalahanin dahil kapag nasa mall ako ang tanging iniisip ko ay maglibang at mamili. Nakakatulong din ang magandang kapaligiran sa mall na wala sa labas. Kapag nasa mall ako, pakiramdam ko ay nasa ibang lugar ako, walang polusyon, malinis, maliwanag, malamig at hindi magulo. Para sa akin ang pagpunta ko sa mall ay isang paraan upang mawala ang stress at depresyon sa skwela, pamilya at mga kaibigan ko na minsa’y nararamdaman ko. Madalas akong mamili sa mall. Madalas nga’y hindi ko kailangan ang mga pinamimili ko ngunit iniisip ko naman ng mabuti kung tama lang ba ang presyo nito. Madalas akong mamili kapang “sale” dahil ang mga damit, sapatos at kung ano ano pa ay mura sa mga panahong ito. Maituturing ko ang sarili kong “shop-a-holic” dahil sa madalas kong pamimili sa mall. Hindi ko naman kailangan ang mga bagay na iyon ngunit nais ko paring mamili upang madagdagan ang mga gamit ko at sumunod sa kung ano’y uso o popular. Isa pang dahilan ko kaya’t nagpupunta ako sa mall ay ang pagititngin tingin ng kung ano’y uso o patok ngayon. Madali mong makita kung ano ang patok dahil sa mall, idinidisplay ng mga tindahan ang mga damit, sapatos at mga bag na bago at uso, libre pa. Walang bayad tumingin, makakasunod ka pa sa uso.

Mahilig din akong manuod ng sine sa mall. Madalas akong nanunuod ng sine kasama ang aking mga kaibigan. Mas nasisiyahan akong nanunuod ng sine sa sinehan sa mall kaysa manuod nito sa bahay hindi lamang dahil sa malaking imahen at kapaligiran sa sinehan na kung saan ay pakiramdam ng manunuod ay nasa aktwal siyang palabas kundi dahil din sa ako’y nakakapanuod kasama ang mga kaibigan ko kung saan nakakapagpalitan kami ng mga ideya at mga tawanan sa sinehan.

Sa mall din kami namimili ng pagkain ng kasama ko sa tinutuluyan kong dorm. Sa supermarket kami namimili dahil mas maganda ang kalidad ng pagkain lalo na ang mga prutas dito kaysa sa labas. Mas komportable at madaling mamili din dito dahil kumpleto at medaling hanapin ang mga produkto. Pagdating naman sa kainan, maganda din kumain sa mall dahil kumpleto ang mga kainan dito batay sa panlasa mo. Sa foodcourt, lahat ng klase ng pagkain mayroon. Patok o uso dito ang mga lutong bahay na madalas ay paborito ng mga Pilipino. Samantalang sa mga food chains naman ay kumpleto din. Pambata man o pangmatanda mayroon dito. Mapakanin man o pasta mayroon din. Pandayuhan o sariling atin man may tinitinda dito Mapameryenda man, tanghalian, hapunan o umagahan kumpleto dito.. Mapamura o mahal man ang presyo ng pagkain, basta’t batay sa panlasa mo. Hindi lamang sa pagkain madaming pagpipilian sa mall. Mapatatak, istilo, kulay at materyales ng damit, sapatos, bag, gamit sa bahay, teknolohiya, pagkain at libangan sa mall madami kang pagpipilian kaya’t paboritong paborito ng mga Pilipino.

Kahit sinong tao pwedeng pumasok sa mall, mapamahirap, mayaman, bata o matanda. Pwedeng pwede ang kaylangan lamang ay desenteng tingnan. Sa mall maaari kang maging kahit sino ka man, kahit pangarap lamang. Walang diskriminasyon dito, dahil pantay pantay ang mga tao kapag nasa mall. Malaki ang impluwensya na naidudulot ng mall at sa tingin ko hindi na ito mawawala sa kultura natin bilang Pilipino.