Gary V., after 25 years
blog entry #3 by Helendary of Espinosa haha!
Si Gary V. ay nagsimulang kumanta noong 1983. Nang mga panahong iyon, si Martin Nievera pa ang sikat na sikat sa mga tao. Naalala ko sa isang interview kay Gary V. ilang taon na ang nakakaraan, sinabi niyang si Martin Nievera ang kanyang idolo at tinitingala nang siya ay nagsisimula pa lang sa kanyang pagkanta.
Nakilala at sumikat si Gary sa kanyang walang humpay na pagsayaw habang kumakanta. Binansagan siyang "Mr. Pure energy" dahil sa walang kapagurang pagsayaw. Kahit pa may edad na siya ngayon at may sakit na diabetes, hindi ito naging hadlang para gawin nito ang kanyang gusto.
Hindi tulad ng ibang artista/mang-aawit na hindi umaasenso ang talento, si Gary ay napatunayang maraming ginagawa at pinag-aaralan para sa kanyang trabaho. Kailangang maging versatile ang isang tao upang manatili sa industriya ng showbiz; kailangan palaging may bagong maipapakita upang hindi magsawa ang mga tao. Maraming mang-aawit ang sumikat at agad ding lumaos dahil tanging pagkanta lamang ang kayang gawin (mga 1-hit wonder kung tawagin), habang ang ibang artista naman ay sumikat dahil sa isang pelikula (at naging tanging pelikula nila dahil hindi na nasundan pa) at hindi na nasilayan pang muli dahil hitsura lamang ang mayroon sila at pagdating sa pag-arte ay wala na silang maipakita.
Kaakibat ng pagsikat ni Gary V. ang kanyang pagiging mabuting tao. Malaking epekto ang pagiging relihiyoso ng isang tao sa paningin ng ibang tao, aminin man natin o hindi. Si Gary V. ay kilalang relihiyoso kung saan nag-revive siya ng mga Christian songs ("Revive" album ay puro Christian songs ang laman tulad ng Warrior is a child, We are the reason, atbp.). Maganda ang imahe ni Gary V. sa paningin ng mga tao dahil relihiyoso siya, "may takot sa Diyos" ika-nga nila.
Mga middle class ang kadalasang nagiging tagahanga ni Gary V., hindi siya masasabing baduy dahil siya ay Lasalista, at kahit pa may mga Filipino songs siya, hindi mo maririnig na may magsasabing baduy ito dahil sumikat ito at marami ang nag-revive ng kanyang mga kanta. Bukod dito, may kaya ang kanyang pamilya kahit pa hindi ito sumabak sa showbiz.
Very indemand si Gary V. sa mga tao kung kaya naman hindi siya nalalaos kahit 25 taon na siya sa industriya ng showbiz. Bihira na lang sa panahon ngayon ang artistang nananatiling sikat makaraan ang ilang dekada. Hindi tulad ni Martin Nievera na bagama't naunang sumikat sa kanya ay nauna ring lumaos dahil sa pambababae at ilang isyung kinasangkutan ng kanyang Ama, si Gary V. ay nananatiling sikat dahil sa imaheng ipinapakita niya bilang isang responsableng ama, tapat na asawa, masunuring anak at magaling na artista sa publiko.
Kahit pa may edad na si Gary V. ngayon, tinatangkilik pa rin siya ng mga tao. At oras na siya'y magretiro, nariyan ang kanyang mga anak na nagmana sa kanyang mga talento.
This entry was posted on 3:07 AM
You can follow any responses to this entry through
the RSS 2.0 feed.
You can leave a response,
or trackback from your own site.
0 comments:
Post a Comment