ni Pauline Martelino

“Beauty and Brains” ito ang sinasabi nilang batayan ng mga “beauty pageants” na natutunghayang natin sa ating bansa. Hanggang sa kamakailang Bb. Pilipinas na kompetisyon na kung saan nanalo si Janina San Miguel. Masasabi kong napakaganda ni San Miguel at pasadong pasado siya sa kategoryang “beauty” ngunit nang matunghayan natin ang sagot niya sa “question and answer portion” ng kompetisyon, di makakailang palpak na palpak siya dito, hindi lamang dahil sa bako bako niyang ingles ngunit dahil din sa hindi niya pagpapahayag ng wastong sagot sa tanong. Kung ang sagot niya ang babatayan sa “brains” na kategorya ngakompetisyon, paano siya nanalo? Maari nga bang puro kagandahang panlabas lamang ang tanging batayan ng kompetisyong ito?

Sa aking palagay, ang binibigyan pansin na lamang ng lipunan ay ang panlabas na anyo ng tao. Hindi ba’t unang tingin mo pa lamang sa tao ay panghuhusga na agad sa kanyang pananamit at kung anong hitsura niya ang iyong papansinin? Ganoon na din ang karamihan ng mga Pilipino ngayon. Kapag ika’y nagsuot ng maikling palda sa Pilipinas, ang iisipin ng mga Pilipino ay napakaliberated mo. O kaya’y kapag ika’y maganda ang agad na iniisip ay matalino at mabait na. Ngunit kung iisipin nating mabuti, wala namang koneksyon ang panlabas na anyo ng tao sa kalooban o pag-uugali ng indibidwal.

Napansin ko sa mga ganitong kompetisyon sa Pilipinas, maraming pagtatraidor sa kulturang sariling atin. Halimbawa na lamang ang sitwasyon ni San Miguel, maaring nahirapan lamang siya sa “language barrier” na nilikha ng kompetisyon dahil sa paggamit ng wikang ingles sa pagtatanong. Kahit pa sabihin natin na ang wikang ingles ay laganap na sa ating bansa, hindi naman lahat ng mga mamamayan nito ay magaling na sa paggamit nito. Kung sana’y Filipino ang wikang kanilang ginamit ay mas malayang maipapahayag ng mga kalahok sa kompetisyon ang kanilang saloobin dahil mas sanay ang mga ito sa kanilang sariling wika. Ang maaring pagkakamali naman ni San Miguel ay kahit pa pinayagan siya ng “host” na gumamit ng Filipino ay hindi niya ito ginamit dahil na din sa mentalidad na “kapag ingles, mas intelihente o mas propesyonal pakinggan” kahit pa barok ang ingles niya.

Marami pang di pagtangkilik sa ating kultura ang matutunghayan natin sa mga kompetisyong kagaya nito. Sa mga kasuotan ng mga kalahok pa lamang ay ebidensya na dayuhang dayuhan na ang dating nito sa mga Pilipino. Ang mga kalahok mismo ng kompetisyon ay produkto ng mentalidad ng mga Pilipinong makadayuhan ang basehan. Hindi ba’t kapag ika’y may malaporselanang balat maganda ka na agad sa tingin ng mga tao. O di kaya’y kapag matangos ang iyong ilong at mala asul o berde and mata’y kakaiba at maganda ka na sa mata ng Pilipino. Lalo pa kapag ang tangkad mo ay malamodelo sa taas. Ito ang basehan kung ika’y may potensyal maging “beauty queen”. Ngunit napansin at naitanong niyo na ba kung Pilipino pa nga ba ang mga kalahok dito? Sabagay, sino bang magsasabing maganda ka kapag ang ilong mo’y pango, ika’y pandak at kayumanggi ang iyong balat? Maganda ka dahil ika’y kakaiba at ito ang katangian ng tunay na Pilipina. Kung sana’y ito na lamang ang mentalidad ng mga Pilipino. Ngunit sa pagkakaalam ng mga nakakarami, ang may mga dayuhan na katangian lamang ang magaganda. Ano pa’t sinabi nilang representatibo ng Pilipinas ang mga beauty queens sa ibang bansa kung malinaw na malinaw na hindi Pilipino ang mga katangian nito. Masasabi kong naghahanap sila ng dayuhan sa sariling bayan upang isalamin sa buong mundo kung ano tayo bilang mga Pilipino, mga mapagpanggap.

Ang kompetisyong ito’y maaring sumalamin sa sitwasyon ng Pilipinas sa kasalukuyan. Tila iniidolo natin ang ibang bansa kaya’t lahat ay ginagaya na natin, mapadamit man o kagustuhan. Nagmistulang “in” ang pag iimport ng mga produktong dayuhan dahil sabi nga ng iba “basta’t imported, maganda”. Kaya’t patuloy natin itong tinatangkilik at pinapayaman. Ngunit hindi ba natin batid na maaring ang mga materyales na ginamit sa mga produktong dayuhan na ito ay kinukuha lang din naman sa ating bansa. Hindi ba’t parang bumili tayo ng sariling atin sa kanila? Atin ang mga resources ngunit sila ang nakikinabang. Maaring resulta ito ng malayang pagpasok at paglabas ng mga negosyong dayuhan sa ating bansa. Nililinlang tayo, tayo nama’y nakikisakay sa kanilang mga pakana. Habang ang mga produktong dayuhang ito ay kumikita ng malaki, ang mga lokal na negosyo naman ng Pilipinas ay natatalo at bumabagsak. Humahanga ako sa ipinatupad ng dating pangulong Carlos P. Garcia na “Filipino First Policy” na kung saan ang resulta nito’y pagtangkilik ng mga produktong gawa sa Pilipinas. Malaking hakbang ito sa pamahalaan at bansa dahil tinanggal natin ang mga koneksyon natin sa dayuhan. Pinilit nating tumayo sa sarili nating mga paa. Ipinatupad niya ang kaisipan na kapag kayang gawin ng Pilipinas, tayo ang gumawa at wag na umasa sa dayuhan. Tulad na lamang ng ibang mga maunlad na bansa ngayon sa asya. Ang mga tsino at mga hapones, maunlad sila dahil hangga’t kaya suportahan ng bansa ang pangangailangan nila hindi sila dumedepende sa ibang bansa. Ngunit sabi nga nila ang mga mgagandang bagay ay madaling mawala. Ngayo’y hindi na ito ipinapatupad ng pamahalaan at tila nasakop na tayo ng mga dayuhan. Kaliwa’t kanan ang mga produktong ibayo kahit pa hindi ganoon kaganda ang kalidad nito’y arya parin tayo sa pagbili at pagtangkilik dahil akala natin kapag tayo’y gumagamit ng mga ito’y tumataas ang estado sa lipunan.

Nagmistulang gaya gaya na tayo sa halos lahat ng bagay. Sa mga teleserye pa lamang at iba pang programang pangtelebisyon ay may “filipino version” na ng mga dayuhang mga palabas. Narinig mo na ba ang patok na patok ngayon ng tinagalog na dayuhang kanta? O di kaya’y namili ka na ng mga usong uso na mga damit na hango sa mga kasuotan ng mga tiga Hollywood? Bakit ba tayo nakokontento sa gaya-gaya kung kaya naman natin tumbasan ito ng tunay na gawang Pinoy? Nasaan na ang noo’y ipinagmamalaki nating pagiging malikhain at madiskarte? Sumuko na ba tayo sa mga dayuhan sa kompetisyong ng kagalingan? Maaring dahil sa mentalidad na balibaliko ng mga Pilipino kaya’t mahirap na tayong makawala sa tila pangaalipin na pagsunod sunod at pagbuntot sa mga bayan ng iba.

Sanggunian:
Interview Portion sa Beauty Pageant at Katawang Kapital