Only-in-the-Philippines Syndrome
ni Samuel G. Lubi
Bakit nga ba tumitira ang mga tao sa tabi ng riles? Bakit nga ba umaakyat pa ang isang tao sa itaas ng billboard para magpakamatay? Bakit nga ba kelangan pang sumutsot sa pagtawag ng tao? Bakit ang maputi ay maganda? At bakit nga ba mga Pilipino lamang ang naeenganyong kumain ng balot at mga iniihaw na parte ng manok (paa, ulo, isaw, dugo, atbp) at baboy? Nalinawan ako at nasagot ang aking mga katanungan ng aking basahin ang artikulong ito.
Ang "only-in-the-Philippines syndrome" ay isang artikulo na nagpapaliwanag ng mga kaganapan at mga pangyayari na makikita at masasaksihan lamang sa ating bansa. Kung ating papansinin, napakaraming mga katangian ang Pinoy na sa masasabing walang katulad sa iba. Isa kong halimbawa ay ang pag-iinom ng mga Pilipino sa oras ng agahan o sa tanghaling tapat. Ginagawa nila ito sa kadahilanang wala silang mga trabaho kaya naman idinadaan na lang nila ito sa pag-iinom. Sa aking palagay ito ay isang paraan nila para malusutan o makalimutan ang mga problemang hinaharap gaya ng kahirapan.
Isa pang nabanggit ay ang pagiging maka-western ng mga pinoy. Sa katagang “ang maputi ay maganda”, na sinasabing ang mga may kutis ng mga amerikano o ibang bansa na may mapuputing kutis ay ang nagiging basehan at batayan ng kagandahan ng isang tao. Nawawala na ang dating identidad ng kagandahang Filipino dahil sa mga ito. Isa pa, ang mga produkto nila ang ating tinatangkilik at binibigyang halaga. Lubos nating niyayakap ang mga gawa ng iba at nakakalimutan na ang sariling atin. Sa madaling sabi, nawawalan na tayo ng sariling identidad at tayo ay nagiging biktima ng kolonyal na mentalidad.
Nabubuo ang mga katangiang ito na sa tingin ko ay hindi naman dapat, sa kadahilanan ng talong salik. Ang tatlong salik na ito ay binubuo ng: malawakang pangungurakot ng mga opisyal ng gobyerno, kolonyal na mentalidad at masibong paghihikahos ng mamamayan, at madalas ang pagsasama ng tatlong salik ay nauuwi sa marahas na kaganapan.
Sinasabi rin sa artikulong ito na ang kadalasang kalahok sa only-in-the-Philippines syndrome ay ang mga underclass o ang mga mahihirap. Sila ang pangunahin tauhan sa pagbubuo ng mga katangiang only-in-the-Philippines. Bagamat ang mga mayayaman ay kalahok din, (ang pagenganyo sa mga state sides o ang pagiging kolonyal na mentalidad) sila ay maliit na parte lamang. Ang mga mahihirap ang nakakaranas ng malawakang pangungurakot ng ating mga opisyal; sila ang tinatamaan kaya sa halip na umunlad ang mahihirap ay lalo silang napapariwara at lalong naghihirap.
Sa aking sariling pananaw, ang nais iparating ng artikulong ito sa mga mambabasa ay ang pagiging updated ng mga tao sa mga pangyayari sa ating bansa. Nais nitong paringgan ang mga tao na walang pakielam sa mga pangyayaring ito, unang-una na ang ating pangulo at mga matataas na opisyal na sangkot sa malawakang pangungurakot sa ating bansa. Ang mga taong ito lamang ang makapagbabago ng estado ng ating lipunan at makapagaalis ng mga katangiang hindi naman dapat taglayin ng isang bansa. Kung maitutuwid lang ang mga baluktot na gawain ng ating mga opisyal ay malamang may pagasa tayong makabangon sa kahirapan at mabago ang mga katangiang makikita lamang sa ating bansa.
Kung agad na aaksyon ang ating gobyerno, sa tingin ko ay madaling aangat ang estado ng ating lipunan; Kung aalisin ang kolonyal na mentalidad ng bawat Pilipino at tangkilikin ang sariling atin ay maaring makatulong sa pagunlad ng ating bansa. Ang pagtangkilik sa sarili nating mga produkto, kultura, at wika ay hamak na tutulong sa pagpapaunlad ng ating lipunan; Kung ang bawat Pilipino lamang ay nagkakaisa ay madaling mareresulba ang mga problemang hinaharap sa ating lipunan. Ang karahasan sa bawat sulok ng pilipinas ay madaling masosolusyonan; ang only-in-the-philippines syndrome ay unti-unting maalis, at sa huli, ating makakmit ang kaunlaran.
This entry was posted on 6:44 AM
You can follow any responses to this entry through
the RSS 2.0 feed.
You can leave a response,
or trackback from your own site.
0 comments:
Post a Comment