by Helen espinosa

Hindi uso sa akin na gumising ng maaga. Hangga’t maaari, ayokong gumising ng maaga, pakiramdam ko kasi’y hapon pa lang ay pagod at inaantok na ako, idagdag pa rito na wala akong magawang matino sa umaga. Ngunit iba ang naging araw ko na ito, inihanda ko ang sarili kong gumising ng alas-5 ng umaga para maghanda at rumampa. Alas-7 pa lang kasi ay may tatagpuin na ako, si Steph, ang aking ka-buddy sa buong buhay ko sa kolehiyo. At ngayong araw na ito, sa Starbucks Greenbelt kami magkikita.

Inaantok man at hikab ng hikab ay pinilit ko pa ring umalis ng bahay ng maaga sa pag-aakalang maiiwasan ko ang rush hour. 6:15 ako umalis ng bahay at naglakad patungong LRT Carriedo, at mula roon ay sumakay papuntang Edsa Station. 6:40, nakalagay sa aking relo. Kumakapal na ang mga taong nagmamadaling naglalakad sa paligid ko, hindi na rin ako nag-atubling magmadali papunta sa pilahan ng MRT Station. Josko po! Napakahaba ng pila, pakiramdam ko ay kalahating oras akong pipila. Mabuti na lang at mabilis ang kilos ng mga tao at wala pang 7:30 ay nakarating na ako sa aming tagpuan ni Steph.

Wala pa si Steph nang ako ay dumating. Masusi akong naghintay habang pinagmamasdan ang mga tao sa paligid. Tahimik pala ang Greenbelt sa umaga, halos walang tao maliban sa ilang matatandang Amerikano na nag-aalmusal at nagjojogging. Kumukulo man ang aking tiyan ay ayos lang dahil hindi ko rin kayang kumain ng walang kasabay. Pumikit ako at umidlip sandali habang hinihintay si Steph.

Halos 8:30 na dumating si Steph, at dahil nahalata niyang nakasimangot na ako (sa tagal ba naman na pinaghintay ako! At gutom na gutom na ako), napagpasiyahan niyang ilibre ako ng almusal bilang consuelo de bobo. Tumambay kami sa Starbucks buong umaga, kuwentuhan lang kasi ang pakay ng aming pagkikita bukod sa window shopping na hindi magtatagal ng kalahating oras dahil pareho kaming tamad maglakad. Chocolate ang aking inorder; ako na siguro ang taong panay ang tambay sa Starbucks ngunit palaging chocolate ang inoorder, hindi kasi ako sanay uminom ng kape, naalala ko nang minsang magkape ako, hindi ako nakatulog pag-uwi dahil sa sobrang lakas ng tibok ng puso ko, nadala na ako magmula ng insidenteng iyon at isinumpa ko ang pag-inom ng kape. Belgian waffles ang paborito kong kainin sa Starbucks, hindi ko man banggitin kay Steph ang gusto kong orderin ay alam na niya kaagad ang sasabihin ko, sa tagal ba namang magkasama kami. Dumami na ang mga tao ng mga bandang 10AM, pasok labas ang mga umoorder ng kape, kasabay ng mga taong nakatambay rin lang tulad namin. Kahit araw-araw kaming magkasama sa eskwela, ewan ko ba kung bakit hindi kami nauubusan ng pagkukuwentuhan sa isa’t isa. Siguro dahil lahat na lang ng nakikita naming ay pinag-uusapan namin, maging ang mga taong pumapasok sa loob ng Starbucks ay napapansin namin at pinag-uusapan, nariyan ang paghanga sa damit, bag, palda, atbp. Ngunit mayroon din namang panlalait kung minsan, lalo na kung sobrang sagwa ng pananamit ng tao. At hindi lumalampas sa aming paningin ang mga Pilipinang babae na may kasamang Amerikano na mukhang DOM, sila ang mga tinitiktikan namin ng umagang iyon, napakarami kasi naming nakita sa aming pagtambay doon.

Alas-12, nagyaya si Steph na mananghalian na. Naglakad lakad kami sa loob ng Greenbelt, at dahil dalawa lang kami, nahirapan kaming maghanap ng makakainan, dalawa lang din kasi kaming maghahati sa babayarin. Pareho kaming maarte, ayaw namin ng fastfood, at hindi rin namin kayang kumain ng fine dining dahil pawang estudyante lamang kami. Sa huli, sa Johnandyoko Japanese Restaurant kami kumain, marami kasing yuppie na kumakain, kaya naisip namin na baka masarap ang pagkain, okay na rin kahit may konting kamahalan.

“Nanay ko po!”, nasambit ko kay Steph ng pabulong nang makita ko ang menu ng restaurant, ang inakala naming konting kamahalan ay hindi pa rin pala abot ng aming budget! Ngunit nakakahiyang lumabas kaya dun na rin kami nanatiling kumain. Ang isang Gyoza rice bowl ay nagkakahalaga ng P360, +10% service charge, halos P400 na. Nabusog ako sa kanin, hindi sa ulam. Sa tuktok lang kasi ang gyoza na bilang na bilang ang piraso. Ang ice tea nila ay may 3 kulay: pula, asul at berde. P85 ang isa, sinubukan namin ang pula at berde sa pag-aakalang baka iba ang lasa, ngunit kulay lang pala ang pinagkaiba, ginawa kaming mga uto-utong bata na nagpaloko sa mga kulay. Matapos kumain, dinaan na lamang naming sa tawa ang ideya na kailangan naming tipirin ang aming gastusin sa eskuwela sa darating na linggo dahil sa aming kinain.

Nagpatuloy ang aming paglalakad sa loob ng mall matapos kumain, at dahil wala naman kaming bibilhin ay napagpasyahan naming manuod na lamang ng sine. Big Stan ang papanuorin namin, 2:50 ang simula at 4:40 matatapos. Bumili kami ng poporn at softdrinks sa Chimara bago pumasok ng sinehan. Kakaunti lamang ang tao sa loob ng sinehan, marahil dahil hapon pa lang at karamihan ay nasa trabaho pa. Nakakatawa ang pelikula, maganda ang daloy ng istorya.

Alas-5 na nang lumabas kami ng sinehan, nagpaalam na si Steph habang ako naman ay tumambay na lamang sa Coffee Bean habang hinihintay ang aking kapatid. Makikipagkita kasi kami sa aming mga kalaro sa Perfect World, alas-7 ang calltime at sa Redbox magkikita-kita. Medyo kumakapal na ang mga tao sa coffee shop nang ako ay makarating, maraming naka-unipormeng yuppies na halatang walking distance lang ang pinagtatrabahuhan. Dahil wala akong kasama, celfone ko na lamang ang inatupag ko, kaysa tumunganga dun at magmukhang tanga.

Alas-6 dumating ang kapatid ko, at mula roon ay nagtungo kami ng Redbox upang magpareserve ng kwarto. Marami nang tao sa paligid ng mga oras na iyon, at ang tugtog ng ilang restaurant ay pangdisco na. Naghintay kami sa loob ng Redbox hanggang sa isa-isang dumating ang mga kalaro namin, halos alas-8 na nang makumpleto ang lahat at nagsimulang kumain.

Sobrang ingay namin sa loob ng kwarto, habang palalim ang gabi ay lalong umiingay ang mga tao, ang iba kasi’y nakainom at medyo nalalasing na, ang iba nama’y nabusog sa kakakanta, habang ang iba ay sayaw ng sayaw. Maging ako man ay napasubo sa inuman dahil libre naman ito ng aking kapatid, hindi ko namalayan kung ilang shot ng tequila at kurant ang aking nainom, panay bottoms up kasi ang hamunan ng mga kasama namin. Enjoy na enjoy ako ng gabing iyon, bihira kasi akong makagimik ngayon, lalo pa’t napakaraming ginagawa sa eskuwelahan. Mabuti na lamang at termbreak, wala akong inaalalang asignatura at thesis na kailangang gawin.

1AM na kami umalis ng Redbox, ngunit hindi pa doon natatapos ang aking araw. Nagkape muna kami bago umuwi, matao pa rin kahit madaling araw na. Sa Coffee Bean kami tumambay, ang dami namin, halos sakop namin ang kalahati ng mga lamesa sa labas ng coffee shop, idagdag pa rito na ang iba’y nakainom na kaya malakas ang loob at pasigaw na ang salita.

Nakainom man ako ay alam kong hindi pa ako lasing, nasa hustong wisyo pa ako bagama’t medyo nahihilo na dahil sa antok at pagod. Tulad ng dating gawi, chocolate nanaman ang aking inorder, at isang blueberry cheesecake. Nakaupo kami sa labas at masayang nagkukuwentuhan, nakaharap kami sa pintuan ng coffee shop. Maya-maya pa, may isang babaeng agad kong napansing nagmamadali na pumasok ng pintuan ng coffee shop, pinagmasdan ko ang bawat kilos at galaw niya dahil sobrang magaslaw ang kanyang kilos na tila madidisgrasya siya sa kahit anong oras. At hindi ako nagkamali sa aking hinala, sa kanyang paglabas, hindi niya napansing nakasarado ang pintuan, dire-diretso siyang naglakad at naumpog ang kanyang mukha sa pinto. Rinig na rinig namin ang malakas na ‘PAK!’ magmula sa labas, maging ang ibang tao ay napatingin sa kanya. Kitang-kita ko ang pag-umpog ng kanyang mukha sa salaming pinto at kung paano ito bumagsak at napaupo sa sahig, mabuti na lang at hindi natapon ang inorder niya, pag nagkataon, abot-abot ang kahihiyang inabot niya. Tawa ng tawa ang iba naming kasama, habang ang iba naman ay gusto siyang tulungan. Makaraan ang 10segundo, walang lumapit sa kanya upang tumulong at lahat ay nakatingin lamang sakanya, tumayo ako at lumapit papunta sa pinto, tinulungan ko siyang makatayo at nakita ko ang bukol sa kanyang noo, nangitim agad ang kanyang noo! Nang mga oras na iyon ay gusto kong matawa ngunit pinigilan ko na lang ang aking sarili at inisip na nakakaawa siya. Nagpasalamat ang babae pagkatayo at dali-daling umalis. Pagbalik ko sa aking upuan, tawa pa rin ng tawa ang aking mga kasama, tingnan ko raw ang salaming pinto, pagtingin ko, hindi ko na rin naiwasang hindi matawa, paano ba naman kasi, yung make-up ng babaeng naumpog ay nakadikit doon, partikular ang powder, blush-on at lipstick na kitang-kita talaga sa pintuan. Pinunasan ito ng crew ng coffee shop makaraan ang ilang minuto.

Halos 3AM na nang umalis kami ng coffee shop, bagsak na bagsak na talaga ang aking katawan, mabuti na lamang at hindi ako nagmamaneho, pag nagkataon ay sa langit ang punta ng aking biyahe dahil sa antok. Hinatid ako pauwi ng aking kapatid, sinikap kong hindi makatulog sa kotse dahil medyo natakot akong baka makatulog siya sa pagmamaneho lalo pa’t wala nang kotse sa daan at medyo mabilis siya magpatakbo. Awa ng Diyos, halos 15-minuto lang ang biyahe mula Makati hanggang Binondo, ang lugar kung saan ako nakatira. Pag-uwi ng bahay, nagbihis lang ako at nagsipilyo, pagkatapos ay sabay higa sa kama at nakatulog na ng mahimbing.