ni Kookie Baron


Noong nakaraang linggo lamang nang ako ay nagsimba, naaalala kong isinama sa aming pagdarasal at intensyon ang mga tinatawag nating mandaragat, noong araw din kasi na ‘yon ipinagdiriwang ang araw ng mga seafarers. Siguro ay dapat isinama na rin nila sa mga intensyon ang mga taong napakatapang na tumatangkilik pa rin sa pagsakay ng mga barko sa ating bansa upang makatawid ng mga dagat. Ang mga pasaherong malamang ay wala namang iba pang pagpipilian kundi ang makipagsapalaran maaaring dahil sa kakapusan na rin ng pera o kung anuman dahilan pa. Itong mga taong ito ang nagiging mga biktima ng mga disaster na hindi nabibigyan ng hustisya. Bukod pa diyan, kailangang isama na rin siguro ang gobyernong ginagawang negosyo ang bawat paglubog o pagkadisgrasya ng mga barko dito para sa kani-kanilang sariling interes, isama na rin ang iba’t iba pang ahensiya ng gobyerno na nakikinabang sa mga kinahihinatnan ng mga kawawang pasahero.

Kinukutya sa artikulo ang ating gobyerno at sa kung gaano kabilis ipawalang-sala ang mga taong dapat ay nananagot sa mga buhay ng libo-libo at maaari pang maging milyon na nasasawi kung patuloy lamang na palalampasin at hindi seseryosohin ng awtoridad ang mga disaster na katulad na lamang ng MV princess of the stars. Tila nga yata’y mas binibigyang halaga nga ng mga tao sa gobyernong ito kabilang na ang ating mahal na presidente ang pagpapabida. Sa laki nga naman ng tinatawag na media opportunity na naaakit ng ganitong klaseng mga disaster.

Sa totoo lang, nagulat akong malamang nakakaapat na disaster na pala ang Sulpicio lines, ang pinakahuli nga ay ang MV princess of the stars. Naging matunog ang usaping ito noong kakalubog lamang ng barko nitong Hunyo lamang. Sisihan dito. Sisihan doon. Ngunit tama nga naman ang obserbasyon ng awtor ng artikulo, hindi pa ito nareresolba nang tuluyan ay mukhang nadagdagan at patuloy pa rin itong madadagdagan ng bagong mga disaster.

Nitong nakaraang term break nga ay nagkayayaan kaming magkakaibigan upang bisitahin ang Boracay bilang pahinga mula sa isang mahabang term na nakaraan. Naging biruan ang pagsakay namin ng RORO o yung tinatawag na roll-on-roll-off, nandiyan ang mga linyang “gagastos na lang ako sa eroplano”, “adventure kaya yon” o “ayokong mamatay”, hindi naman naming masisi ang aming mga sarili sa pagiging mapili at maaarte dahil naman talaga sa hindi kaaya-ayang serbisyong ipinapakita ng mga lokal na shipping lines na mapapatunayan ng kasaysayan ng mga aksidente dito sa ating bansa. Papaano ba naman bukod sa hindi na sumusunod ang mga taong nasa likod ng mga serbisyong pangdagat na ito sa mga safety measures na dapat ay sinusunod sa panahon ng bagyo o kalamidad o miski kahit wala ang mga bagyo ay napakaluluma rin naman ng mga barko mismong ginagamit. Hindi masisisi ang awtor ng artikulo kung kanyang ikinukumpara ang ating mga lokal na serbisyo sa mga mauunlad na bansa. Masyado kasing nagtitipid ang mga may-ari ng shipping lines, ngunit napakatakaw naman nila sa pera na kikitain sa bawat biyahe. Kaya kahit alam nang may paparating na bagyo ay patuloy pa ring magba-biyahe ang mga ito para walang masayang oras upang kumita ng pera.

Ngunit ano nga ba ang ginagawa ng ating gobyerno? Mukha namang hindi nga naman nababahala ang ating gobyerno kapag dating sa mga ganitong usapan. Kahit ba may “disaster management” na tinatawag sa ating bansa. May kwenta nga ba ito? O pangalan lamang ito upang magpabida? Sa simula ay aakalain nating kumikilos nga sila’t gumagawa ng mga paraan, ngunit hindi sila nakakapaglabas ng agad agad na mga magagandang resulta. Kung talagang gumagawa ng paraan ang gobyerno ay dapat mabilis at sanay na sila sa ganitong klase ng aberya. Tutal ay napakarami na ngang karanasan dapat nakuhaan ng kasanayan ang ating mga namumuno. Ngunit siguro ay sadyang hindi lamang ito ang kanilang prioridad o nais nilang magpatuloy pa ang negosyo nila kapalit ng buhay ng mga libo-libo pang tao. Maging pati ang kapakanan ng ating kalikasan at turismo ay naaapektuhan sa kapabayaan ng mga opisyales at ng ating gobyerno.

Sa mga ganitong pagkakataon nasasalamin ang kasakiman na likas na likas sa mga tao. Ang pagiintindi muna sa sariling interes una sa lahat. Kabilang na nga diyan na ang iniintindi lamang ng Sulpicio lines ang kanilang kikitain at bahala na ang iba. Basta ang mahalaga ay masulit ang bawat biyahe, dibale nang mag-overload pa sila. Ipagdasal na lamang na walang mangyaring masama. Gagamit ng napakalulumang mga barko at pupunuin pa ito hanggang sa lalagpas na ang bilang ng mga pasahero sa nirerekomendang bilang. Sa tuwing maglalayag ang mga barkong ito siguro ay kailangang manawagan na rin ang lahat ng taong sumasakay sa lahat ng santo sa langit upang masiguro na sila ay ligtas na makakarating sa kanilang patutunguhan. Bawat paglalayag ay tila isinusugal ang buhay ng mga libo-libong pasaherong patuloy na sumasakay pa rin sa mga barko (anuman ang dahilan ng mga taong ito).

Kaya nga’t totoong hindi makatuwiran ang sinasabi ng Sulpicio Lines na ang mga naging disaster na ito ay “God’s will”. Tama nga bang sabihin na nais ng Diyos na paulit-ulit na nangyayari ang mga kalamidad na ito? God’s will nga ba itong maituturing kung kamay rin naman ng mga tao ang maaaring may sala sa likod ng mga ito? Kagustuhan nga ba ng Diyos ang kamatayan ng maraming taong hindi naman mabibigyan ng tamang hustisya sa huli?

Kung titignan naman talaga ang pangyayari, nasa tao rin naman talaga maisisisi ang lahat ng pagkakamali. Magmula pa lang sa mga barko maging pati sa mga pagtitipid at mababang kalidad na serbisyo. Hindi ito matatawag na God’s will. Naiwasan sana ito kung gumamit lang ng tamang mga precautions o pag-iingat ang mga tao.

Hanggang sa ngayon, marami pa ring katanungan ang naiwang nakabitin kung MV princess of the stars ang pag-uusapan. Ngunit mukhang hindi na ito mapapansin sa ngayon dahil nailipat na ang atensyon ng mga tao sa ibang mas “mahalagang” mga bagay. Siguro ay laking pagpapasalamat na rin ang gobyerno dahil hindi lang tinawag na “bayani” si Pacman sa kanyang pagbibigay parangal sa ating bansa sa larangan ng boxing ngunit “bayani” siya dahil hindi na ganoon katunog ang isyu ng disaster, at hindi na rin ito kailangang bigyan ng kaukulang pansin ng gobyerno.