Jolina Magdangal by de Leon
Nagtagal sa showbiz sa loob ng labinlimang taon, si Jolina Magdangal ay isa na ngayong matagumpay na aktres at negosyante. Siya ay unang sumikat sa Ang TV bilang isang mang-aawit. Sa edad na dalawampu ay nakapagtanghal na siya sa sampung concerts at nagkaroon na ng walumpung live performances sa loob at labas ng bansa. Marami rin siyang TV shows na tunay na sinubaybayan at tinangkilik ng masa tulad ng Labs ko si Babes, Arriba Arriba at I Luv NY. Kasabay nito ay may mga pelikula rin na kanyang pinagbidahan tulad ng Ouija na ipinalabas kailan lang kung saan nakasama din niya ang aktres na si Judy Ann Santos. At siyempre ay marami siyang albums na pinalabas – Jolina, Red Alert: All Dance Remix, Panaginip Platinum Collection, Forever at The Jolina Magdangal Anthology. Bukod dito ay nakilala rin si Jolina Magdangal dahil sa kanyang pagiging fashionista. Sa kabila ng pagbabansag sa kanyang pananamit bilang jologs, hindi pa rin maipagkakaila na ito ang naging dahilan ng kanyang pagiging iba sa mga artista sa showbiz at patunay lamang ito sa kanyang kasikatan.
Si Jolina Magdangal ay nagkamit na rin ng mga sari-saring parangal hindi lamang mula sa larangan ng show business kundi mula rin sa iba’t ibang organisasyon – Gintong Kabataan Awardee - Presidential Youth Development Council, Young Achiever Awardee - Foundation For Gifted Children, Gawad KKK Awardee (Outstanding Youth in the Field of Entertainment) - Kabataang Sama-samang Naglilingkod Sa Bayan (KASAMA) at Outstanding Citizen Awardee - Province of Bulacan. Nagkamit siya ng mga ito dahil sa pagiging mabuting modelo niya sa mga kabataan. Si Jolina Magdangal ay mayroong “good girl image” mula pa ng lumabas siya sa Ang TV at hindi na ito nawala kahit noong magkaroon na siya ng love team. Bago ipalabas ang TV Series na I Luv NY, nabanggit ni Marvin Agustin sa isang interview sa isang talk show na hindi nagpapahalik si Jolina. Napaka-wholesome ni Jolina na maski ang mga intrigang kinasasangkutan niya ay hindi yaong mga nakasasama sa kanyang imahe. Ilan lamang sa mga kontrobersyang kinasangkutan ni Jolina ay yaong tampuhan sa pagitan ng mga nanay nila ni Rica Peralejo at yaong hindi na siya muling nag-renew ng kontrata sa ABS-CBN.
Ang kasikatan ni Jolina ay hindi lang dahil sa kanyang talento kundi dahil na rin sa mismong personalidad niya bilang isang indibidwal na nakikita naman ng lahat ng taong nakakapanood sa kanya. Ito na rin ang dahilan kung bakit mahal siya at patuloy na sinusuportahan ng kanyang mga taga-hanga. Si Jolina ay magaling na aktres mapa-drama man o komedya. Siya ay isang mang-aawit at marunong din siyang sumayaw. Isa siyang tunay na entertainer. Sa kabila nito, ang tunay na dahilan kung bakit napalapit siya sa puso ng kanyang mga fans ay dahil isa siyang transparent na tao. Katulad na rin ng sinabi niya sa isang interview sa Philippine Post Magazine, pagdating kay Jolina Magdangal “what you see is what you get”. Mapagexperimento man siya sa kanyang pananamit ay totoong simple pa rin talaga siya.
Ang kasikatan ni Jolina ay napatutunayan, una sa panggagaya sa kanyang fashion. Nauso ang mga butterfly clips noon at fake dyed hair. Mayroong ding mga Jolina dolls na inilabas at ibinenta sa mga malls dahil si Jolina ay parang isang walking doll na pabago-bago ang damit sa bawat pagtatanghal niya. Ang mga tumangkilik sa mga pananamit ni Jolens ay tinatawag na jologs – Jolina Organization kung ipaliwanag ang kahulugan. Hindi naman negatibong maituturing talaga ang pagkakaroon ng terminong jologs. Para sa iba ang jologs ay pagiging baduy pero ito ay tawag lamang sa mga gumagaya kay Jolina dahil kapag si Jolina naman ang nagbibihis ayon sa kanyang fashion ay maayos naman ang itsura at tunay na kaya niyang dalhin. Ang salitang jologs ay patunay lamang na nakaapekto si Jolina sa lipunan. Ito ay tumatak na sa kulturang Pinoy na hanggang ngayon ginagamit pa rin ang salitang jologs. At siyempre si Jolina ay patuloy pa rin sa pagbibihis sa sarili niyang fashion statement bagamat hindi na siya nananamit tulad ng dati.
Pangalawa, si Jolina ay tunay na magaling na singer. Ang mga album niya ay nagkamit ng mga platinum awards. At siyempre hanggang ngayon ay patuloy pa rin siya sa pagkanta. Ang kanta sa pinaka bagong Christmas special advertisement ng GMA ay kinanta ni Jolina. Madami rin siyang pinasikat na soundtrack tulad ng sa Flames the movie. Siya rin ang kumanta ng soundtrack ng koreanovela na Kim Sam Soon, ang Maybe It’s You.
Pangatlo, ang mga TV shows ni Jolens ay nakakakuha ng mga matataas na rating. Isa ay ang Gimik kung saan katambal niya si Onemig Bondoc at nakasama niya si Judy Ann Santos. Ganundin naman sa Labs ko si Babe kung saan nakatambal naman niya si Marvin Agustin. At siyempre sa muling pagsasama nila ni Marvin sa I Luv NY ay nakakuha nanaman ang kanyang show ng mataas na rating. Walang pinag-iba sa pelikula, ang pinakahuli niyang horror movie kasama si Juday, ang Ouija, ay inabangan at pinanood ng maraming tao.
Pang-apat, si Jolens ay isa ring magaling na product endorser na maraming kompanya rin ang kumukuha sa kanya bilang commercial model. Maalalang siya rin ang nag-endorse sa AMA Computer College nung bago pa lang itong nagsisimula. Mayroon siyang commercial sa halos lahat na ng uri ng produkto maging pagkain man ito, sabon o serbisyo.
Si Jolina Magdangal ngayon ay isa ng batikang artistang maituturing. Sa tagal niya sa industriya ng show business ay marami na siyang pinagdaanan. Sa kabila nito sinabi niya sa isang panayam sa Manila Standard Today, “Kulang pa ang mga nangyari sa akin as compared sa ibang artista. I told a small percent of my life story in Magpakailanman. Hanggang doon na lang because I know that many more things will happen. Hindi pa time to put it all out. My life is not as open as many people in the business. May nire-reserve pa rin ako for myself”. Ngayon ay stable ang kanyang career at kasalukuyan siyang nananahan sa GMA. Siya na ay isang matured na artista.
This entry was posted on 11:40 AM
You can follow any responses to this entry through
the RSS 2.0 feed.
You can leave a response,
or trackback from your own site.
3 comments:
paborito ko dati si jolina magdangal.magaling na kasi kumanta, magaling pa umarte. :)
hindi ko makakalimutan ang kanyang bangs noon. hanep!
HEY BABE! Namiss kita!
Post a Comment