ni Samuel G. Lubi

Sa aking pagsusuri ng mga blog site, napili ko ang ikatlong grupo na gagamiting paksa para sa huling blog entri ng klase. Hindi madali ang pagpili ng grupong ikrikritika dahil alam mong sa pagkrikritik mo ay may matatamaan ka, kaya napili ko ang ikatlong grupo dahil halos lahat sila ay malalapit sa akin at sa tingin ko ay maluwag naman nilang matatanggap ang aking opinion batay sa kanilang blog.


Una kong pagtutuunan ng pansin ang panlabas na imahe ng kanila site. Sa tingin ko ay maayos naman ang kanilang pagkakapresenta ng kanilang blog, maayos at naorganisa ang bawat paksa at halatang hindi ito basta-basta, ngunit may napansin lamang akong ilang problema na sa tingin ko ay makakasagabal sa mga mababasa. Isa sa aking napuna ay ang pagiging maliwanag ng kanilang background. Masyado itong maputi na kung saan dumating sa punto na nakakasakit sa mata at dahil dito unti-unting mararamdaman ang pagkaantok. Isa pa rito ay ang pagiging limitado ng mga larawan at palamuti na maglalarawan sa grupo na sa tingin ko ay magdadagdag ng buhay sa blog site.

Sa panloob na pagsusuri, ginamit ko bilang paksa ang mga idolo ng bawat miyembro ng grupo sa mga artista sa lokal na showbiz. Napansin ko na ang bawat pagpili nila sa mga idolo ay maihahambing na agad sa sarili nilang panlasa, personalidad at identidad. Ang pagpili nila ng mga idolo ay may iba't ibang rason. Sa aking pagsusuri, ang isang rason ay dahil ito ay sumasalamin sa kanilang sarili at personalidad. Mapapansin na karamihan sa ating mga Pinoy ay may idolo na maihahambing natin ang ating sarili sa kanila - hinahanapan ng pagkakapareho sa panlabas at panloob na kaanyuan. Ang iba naman dahilan ay ang pagiging angkop ng mga ito sa kanilang panlasa. Ang rason sa pagiging idolo nila sa mga ito ay dahil may ilang mga katangian na kaayaya sa artista na sa tingin ko ay isang mababaw na dahilan sa pagpili ng idolo.

Isa pa sa aking napansin ay ang masyado nilang inilapit ang kanilang sarili sa mga artista. Wari bang kilalang-kilala na nila ang mga ito kahit alam naman nating sa telebisyon o sa internet lang natin sila nasasaksihan. Maaari sigurong itong tanggapin kung naging personal nilang kaibaigan dahil dun lang naman natin makikilala ang totoong personalidad ng isang tao. Bagamat ipinaliwang nila ito na halos kakilala na nila ng lubausan, may naging mabuting dulot din naman ito para sa mambabasa. Ito ay nagbigay ng aliw sa mga mambabasa dahil nararamdaman din nila na nagiging malapit na rin sila sa artista. Isa pa rito ay naging interesanteng basahin ang kanilang mga paksa dahil nga sa paglalapit nila sa buhay ng artista. Ang ibang mambabasa ay madaling nakakarelate at madali nilang naiintindihan ang paksa dahil sa mga ito, ang kaso lamang ay hindi tayo sigurado kung yun nga ang kanilang totoong personalidad.

Hindi naging madali ang aking pagkrikritik. Base sa aking naranasan, naramdaman ko ang kaunting pangamba na baka hindi nila matanggap ang aking pananaw. Ngunit sa pagkrikritik na ito, marami rin akong natutunan, una na rito ay ang pagiging fair mo sa pagtingin sa nilalaman. Hindi ka dapat bias at hindi ka dapat natatakot na sabihin ang iyong punto. Alam ko namang ito ay makakatulong din sa pagiimprove ng miyembro grupo na kung saan maari din magamit sa hinaharap.