by: Helen E.
Ang blog ni Lou Algenio http://filculma51g3.wordpress.com/2008/10/05/lou-algenio-jologifikasyon/ ang aking napili. Dito, tinalakay niya ang kahirapan sa Pilipinas, partikular ng mga Pilipino. Ipinakita niya ang irony ng mahirap at mayaman kung saan ang P100 ay nagkakahalaga lamang ng isang basong kape sa Starbucks para sa isang mayaman at ang P100 naman para sa mahirap ay para sa isang araw na pangkain na para sa buong pamilya. May punto ang kanyang sinasabi lalo pa't nangyayari ito sa totoong buhay, maging ito man ay masalimuot tanggapin at mukhang hindi kapani-paniwala dahil sa kalunos-lunos na katotohanan.

Sinisisi ng marami ang ating gobyerno, nandyan ang pagsita sa pangungurakot ng mga pulitiko, ang kakulangan sa sistema ng mga Pilipino, at kung anu-ano pa. Nabanggit din ni Lou sa kanyang blog na ang pagbabago ay nagsisimula sa sarili natin, sang-ayon ako rito dahil oo nga naman, kung gusto natin ng pagbabago ay manggaling dapat ito sa sarili natin. Ngunit, hindi ito ang nangyayari sa realidad, dahil puro paninisi sa iba ang ating ginagawa, walang gustong umako ng pagkakamali. Sinasabing Pilipino ang pinakamasayahing tao sa Asya, ngunit masaya nga ba talaga sila? O nagbubulag-bulagan lang sila sa katotohanang sa likod ng mga ngiti't tawa ay naroroon ang poot pangamba sa kanilang estado sa buhay?

Hindi masasabing pesimistiko ang mga Pinoy dahil sila ay masayahin, at sa bawat problema ay lagi nilang sinasabi ay tawanan lang ang problema at ito ay lilipas din. Sa kabilang dako, tama rin ang sabi ni Lou na hindi optimistiko ang mga Pinoy, kung sabagay, sino pa ba ang magiging optimistik sa lagay ng ating bansa ngayon? Maging ang mga dayuhan ay mababa ang tingin sa ating bansa, ano pa kaya ang mga Pilipino na kolonyal ang takbo ng pag-iisip?

Kung gusto natin ng pagbabago, ito ay dapat magmula sa sarili natin, MISMO.