ni Pauline Martelino






Hindi natin maikakaila na halos lahat ng mga pamilyang Pilipino ay may sinusubaybayang “noontime show” araw araw. Kabilang dito ang Wowowee. Ang wowowee ay isang programa sa ABS-CBN na araw araw ay tinatangkilik ng sambayanang Pilipinas. Malakas ang hatak nito sa masa dahil ipinapakita daw nito at tinutulungan ang kapwa natin mga Pilipino. Nagbibigay din ito ng kasiyahan sa mga mamamayan dahil sa lakas ng “energy” ng mga host pati na rin ng mga studio audience. Malakas ang hatak na host na si Willie Revillame dahil sa kanyang matulungin o makamasa na imahe sa telebisyon. Hindi lang si Williw ang sinusubaybayan ng mga manonood dito ngunit ang iba pang mga host: sila Valerie, Mariel at Pokwang. Pati ang mga dancers sa palabas ay sinusubaybayan din.


Ang iba’y umaasa sa mga programang ito na sana’y makakapagbago ng kanilang buhay dahil sa limpak limpak na perang papremyo para sa kanila. Nagiging daan din ang mga tfc subscribers o ang mg a pilipinong galing sa ibang bansa upang mangalap ng pera na maaring ipamigay sa mga nangangailangan nito. Dahil nga sa patok ang programang ito, madami din silang sponsors na tumutulong sa pinansyal na pangangailangan ng programa.


Nakakatuwa ang mga palarong kanilang ginaganap sa programa na angkop sa mga manonood at mga nakikilahok na mga Pilipino. Tulad na lamang ng segment nilang ang mga tanong ay tungkol sa mga kanta. Alam naman nating mahihilig ang mga Pinoy sa musika, mapaluma man ito o mapabago. Nagtatampok din ang programa ng mga Filipino artist tulad ng mga artista, singers, dancers at mg komedyante upang mapalaganap ang mga talentong pinoy. May mga segments din na nagpapakita ng mga talento ng mga ordinaryong Pilipino na talagang nakakapagbigay aliw sa mga manonood at maaring sa kanila mismo. Tinatampok din ng programa ang iba’t ibang kwento ng mga Pilipino. Lahat ng saya at hirap ng mga Pinoy na totoong totoo. Kaya’t masasabi kong hindi lang katuwaan ang habol ng mga manonood at mga nakikilahok sa programa ngunit pati narin karamay sa problema ay nakukuha nila dito. Magkahalong saya at lungkot ang dulot ng programang ito sa mga Pilipino.


Ngayon nama’y susuriin ko ang wikang ginamit sa programang wowowee. Masasabi kong Pilipinong Pilipino ang paggamit ng wika at mga salita sa programa. Madalas ay Filipino ang wikang ginagamit dito ng hosts at mga nakikilahok. Gumagamit lamang sila ng wikang Ingles kung ang kausap nila ay mga dayuhan o ang mga TFC subscribers. Ginagamit nila ang ating sariling wika dahil ang target audience ay ang masa. Nais nilang maintindihan ng buong sambayanang Pilipino. Hindi lamang ang mga mayayaman ngunit pati narin ang mga mahihirap at mga middle class. Nais nilang maabot ang kamalayan ng lahat ng Pilipino. Masasabi ko ding hindi puro ang Filipinong ginagamit sa programa dahil may apektado din ito ng gahum. May mga panahon na halo halong ingles at Filipino na kung tawagin natin ay “taglish” dahil hindi may mga salitang ingles na walang katumbas sa Filipino o dahil na din sa gahum ng wikang ingles sa ating bansa. Ang segment na kadalasan ay taglish ang ginagamit sa programa ay ang segment nilang “Pera o Bayong”. Nakakatuwa dahil pati ang mga kantang ginagamit nila ay ang mga kanta ni Lito Camo tulad ng: boom tarat tarat, igiling-giling, hephep hurray at sayaw darling ay ginagamitan ng wikang Filipino kaya’t patok na patok sa masa. Pati rin ang mga taglines ng mga sponsors na produkto ay Filipino. Ang halimbawa nito ay ang produktong paulinement: “walang aww sap pau!”.


Nakakatuwang isipin parin na kahit may kaonteng taglish sa wikang ginagamit sa programang ito, tila binubuhay parin nito ang wikang Filipino dahil kahit pa sinasabi ng iba na nagmimistulang “first language” na natin ang wikang ingles, tinatangkilik parin ng midya ang wikang Filipino. Sana’y lahat ng mga programang pantelebisyon ay gumamit na din ng wikang Filipino hindi lamang dahil sa mas madaming Pilipino ang makakindi sa programa nila ngunit upang mas mapalaganap na din ang wika natin at mabuksan an gating kamalayan upang makalaya tayo sa gahum na wikang ingles.